Tuesday, January 11, 2022

Wikang Filipino, ikaw ba ay intelektwalisado?

 



Sa kasalukuyan, ano na nga ba ang kalagayan ng ating wikang Filipino? Ito nga ba ay naging tunay ng intelektwalisado? Maipagpapalagay bang may kakayahan ng pang-intelektwal ang ating wika? Kung ako ang inyong tatanungin, hindi ang aking isasagot.

Bilang isang wika, marami tayong maaaring maging batayan upang hindi maituring na intelektwalisado ang wikang Filipino sa ating bansa. Ang intelektwalisyon ayon kay Sibayan (1988), ang pagbibigay-pabor sa wika upang maging intelektwalisado ito ay walang iba kundi ang mga taong may kakayahang kumontrol dito o hindi naman kaya'y silang mga nagnanais na gumamit nito. Nangangahulugan ang sinabing ito ni Sibayan na sadyang may pangangailangan ang bawat isa na magkaroon ng mga aklat na siyang magagamit upang higit na maunawaan ng iba ang paggamit ng Wikang Filipino. Marami pa rin sa ating mga Pilipino ang nahihirapang unawain at gamitin ng tama ang Wikang Filipino, isa lamang ito sa mga dahilan kung bakit hindi ito maituturing bilang intelektwalisado. Bukod pa rito, maraming hadlang ang kinahaharap ng wikang Filipino upong tuluyang makamit ang intelektwalisyon. Batay kay Tinio (1975), mayroong posibleng hadlang sa tuluyang pagiging intelektwalisado ng ating wika. Ang una, ang iniisip ng mga Pilipino ay walang kakayahang pang-intelektwal ang wikang Filipino. Ang ideyang ito ay nagpapabagal sa tuluyang pagpapalaya ng ating wikang pambansa. Hindi ito kailanman magiging intelektwalisado kung ang ating patuloy na paniniwalaan ay wala itong kakayahan bilang wikang intelektwal. Samantalang, ang ikalawa, may takot o pangamba ang mga Pilipino na mapag-iwanan sa kaunlarang pag-iisip mula sa wikang Ingles. Mababatid na talaga namang malalim ang impluwensiya ng wikang Ingles sa ating mga buhay. Kadalasan, kung mapapansin nating magaling sa Ingles ang ating kapwa Filipino, ang una nating naiisip ay matalino siya at mahusay. Nagiging batayan para sa atin ang kagalingan sa paggamit ng Wikang Ingles upang masabing matalino ang isang tao, ni hindi na natin napapansin ang kaniyang kahinaan sa paggamit ng Wikang Filipino.

 Ngunit dapat nga lang ba tayong matakot? Talaga nga bang mahuhuli tayo sa kaunlaran kung pipilitin nating gawing intelektwalisado ang wikang Filipino? Sa palagay ko'y hindi. Bagaman hindi pa nga tunay kung maituturing na intelektwalisado ang wikang Filipino, mayroon tayong magagawa para rito. Kinakailangan nating magsimula sa pagsusulat ng mga implementasyon o batas gamit ang wikang Filipino. Maaari rin nating dagdagan pa ang mga aklat na ililimbag natin upang higit na mas magamit ang wikang ito. Naniniwala akong kung uunahin nating pagtuunan ng pansin ang ating wika, tuluyan nga nitong makakamit ang kaunlaran. Karapat-dapat itong gamitin bilang wikang panturo, ngunit dapat ring maitatak sa kaisipan ng bawat Pilipino na ito ang ating wika at hindi natin kailangang bumase sa wikang banyaga. Sa kabilang banda, para maganap ang intelektwalisasyon ng Wikang Filipino sa aking larang, kinakailangan ring pansin ng mga eksperto ang ilang terminong hindi madaling maintindihan at maisalin sa Wikang Filipino. Ang tunay na kaganapan ng intelektwalisasyon sa Filipino ay maaari lamang na makamtan kung magagawa nating matugunan ang pangangailangan sa ilan pang mga salita. Bilang konklusyon, tayo ay may sariling bansa na kailangang ipagyaman, mayroon din tayong sariling wika na kailangang palayain at ipaglaban. Nasa ating kamay ang kaunlaran nito, kung nais ng lahat ay kumilos ngayon. Maging isa para sa wikang Filipino, abutin ang intelektwalisyon.

 

Sanggunian:

https://www.slideshare.net/karenmfajardo/intelektwalisasyon-ng-wikang-filipino-73855342

https://prezi.com/p/dzqnbpin-2qb/intelektwalisado-ang-wikang-filipino/?frame=d8398df8c270532093b9a6bc5120b6c66a0c37a3


1 comment:

  1. Napakaganda naman ng iyong sanaysay little girl with big dreams! ��

    ReplyDelete