Sa kasalukuyan, ano na nga ba ang
kalagayan ng ating wikang Filipino? Ito nga ba ay naging tunay ng intelektwalisado?
Maipagpapalagay bang may kakayahan ng pang-intelektwal ang ating wika? Kung ako
ang inyong tatanungin, hindi ang aking isasagot.
Bilang isang wika, marami tayong
maaaring maging batayan upang hindi maituring na intelektwalisado ang wikang Filipino
sa ating bansa. Ang intelektwalisyon ayon kay Sibayan (1988), ang
pagbibigay-pabor sa wika upang maging intelektwalisado ito ay walang iba kundi
ang mga taong may kakayahang kumontrol dito o hindi naman kaya'y silang mga
nagnanais na gumamit nito. Nangangahulugan ang sinabing ito ni Sibayan na
sadyang may pangangailangan ang bawat isa na magkaroon ng mga aklat na siyang
magagamit upang higit na maunawaan ng iba ang paggamit ng Wikang Filipino.
Marami pa rin sa ating mga Pilipino ang nahihirapang unawain at gamitin ng tama
ang Wikang Filipino, isa lamang ito sa mga dahilan kung bakit hindi ito
maituturing bilang intelektwalisado. Bukod pa rito, maraming hadlang ang
kinahaharap ng wikang Filipino upong tuluyang makamit ang intelektwalisyon.
Batay kay Tinio (1975), mayroong posibleng hadlang sa tuluyang pagiging
intelektwalisado ng ating wika. Ang una, ang iniisip ng mga Pilipino ay walang
kakayahang pang-intelektwal ang wikang Filipino. Ang ideyang ito ay
nagpapabagal sa tuluyang pagpapalaya ng ating wikang pambansa. Hindi ito
kailanman magiging intelektwalisado kung ang ating patuloy na paniniwalaan ay
wala itong kakayahan bilang wikang intelektwal. Samantalang, ang ikalawa, may
takot o pangamba ang mga Pilipino na mapag-iwanan sa kaunlarang pag-iisip mula
sa wikang Ingles. Mababatid na talaga namang malalim ang impluwensiya ng wikang
Ingles sa ating mga buhay. Kadalasan, kung mapapansin nating magaling sa Ingles
ang ating kapwa Filipino, ang una nating naiisip ay matalino siya at mahusay.
Nagiging batayan para sa atin ang kagalingan sa paggamit ng Wikang Ingles upang
masabing matalino ang isang tao, ni hindi na natin napapansin ang kaniyang
kahinaan sa paggamit ng Wikang Filipino.
Ngunit dapat nga lang ba tayong matakot?
Talaga nga bang mahuhuli tayo sa kaunlaran kung pipilitin nating gawing
intelektwalisado ang wikang Filipino? Sa palagay ko'y hindi. Bagaman hindi pa
nga tunay kung maituturing na intelektwalisado ang wikang Filipino, mayroon
tayong magagawa para rito. Kinakailangan nating magsimula sa pagsusulat ng mga
implementasyon o batas gamit ang wikang Filipino. Maaari rin nating dagdagan pa
ang mga aklat na ililimbag natin upang higit na mas magamit ang wikang ito.
Naniniwala akong kung uunahin nating pagtuunan ng pansin ang ating wika,
tuluyan nga nitong makakamit ang kaunlaran. Karapat-dapat itong gamitin bilang
wikang panturo, ngunit dapat ring maitatak sa kaisipan ng bawat Pilipino na ito
ang ating wika at hindi natin kailangang bumase sa wikang banyaga. Sa kabilang
banda, para maganap ang intelektwalisasyon ng Wikang Filipino sa aking larang,
kinakailangan ring pansin ng mga eksperto ang ilang terminong hindi madaling
maintindihan at maisalin sa Wikang Filipino. Ang tunay na kaganapan ng
intelektwalisasyon sa Filipino ay maaari lamang na makamtan kung magagawa
nating matugunan ang pangangailangan sa ilan pang mga salita. Bilang
konklusyon, tayo ay may sariling bansa na kailangang ipagyaman, mayroon din
tayong sariling wika na kailangang palayain at ipaglaban. Nasa ating kamay ang
kaunlaran nito, kung nais ng lahat ay kumilos ngayon. Maging isa para sa wikang
Filipino, abutin ang intelektwalisyon.
Sanggunian:
https://www.slideshare.net/karenmfajardo/intelektwalisasyon-ng-wikang-filipino-73855342
https://prezi.com/p/dzqnbpin-2qb/intelektwalisado-ang-wikang-filipino/?frame=d8398df8c270532093b9a6bc5120b6c66a0c37a3