Sunday, December 12, 2021

OSPITAL LABAN SA PANDEMYA

 


   
“Face mask mo bago umalis!” “May face shield po kayo? Pabili nga po” “Ugaliing magdala ng alcohol sa lahat ng pagkakataon”. Ilan lamang iyan sa mga linya na madalas natin marinig mula sa atin o sa ibang tao mula noong una tayong nakipagsapalaran sa krisis na ito. Ayon sa Press Release ng Department of Health (2020), noong Enero ng taong 2020, unang pumasok ang Coronavirus o mas kilala bilang Covid-19 sa ating bansa. Nagsimula ito sa mangilan-ngilan na bilang lamang na mga kaso, hanggang sa unti-unti itong tumaas dahil sa biglaang pagdating nito at sa kakulangan sa restriksyon at kahandaan ng bansa. Idagdag pa ang patuloy pa rin ang paglabas-masok ng mga tao mula sa iba’t ibang parte ng mundo sa kabila ng mga naitalang naunang kaso sa bansa.

    

    Dagdag pa rito, tila ikinagulat ng lahat ang paglalagi ng virus na ito dahil tila magpahanggang ngayon ay nandirito pa rin tayo sa sitwasyon na atin nang nakita, magdadalawang taon na ang nakalipas. Sa itinagal nito, hindi maitatanggi na buong bansa ay nagdusa at patuloy na nahihirapan pa. Mga taong nawalan ng trabaho, mga negosyong bumagsak, mga establisyementong nagsara, pagka-antala at pansamantalang pagsasara ng mga paaralan at iba pang institusyon, lalong-lalo na ang mga nasa laylayan na kung noon pa man ay wala nang makain ay lalo pang lumala at tumindi ang sitwasyon ngayon.

     

    Habang ang krisis na ito ay umaatake at apektado ang kalusugan ng tao, ang mga inaasahang mangunguna sa pag-aksyon dito ay ang mga ospital at mga taong nasasakupan nito; mga doktor, nars, at iba pang nakapag-aral sa ilalim ng medisina. Kaisa sila sa atin sa paglaban sa virus na ito, kaya naman simula’t-sapul ay todo-kayod ang mga tao at mga institusyong ito upang maasikaso ang sinumang may kailangan sa kanila. Gayunpaman, kaakibat nito ang kalagayan at mga problemang kinaharap nila, lalong lalo na sa pisikal na aspeto, dahil kamakailan lamang nitong Agosto hanggang Setyembre ng 2021 ay naibalita na halos magsara na ang mga ospital sa pagtanggap ng iba pang mga pasyente, nag-positibo man o negatibo sa nasabing sakit, dahil sa tindi ng mga kaso at kawalan ng espasyo. Tunay nga rin naman na bukod pa sa Covid-19, ay may ibang mga sakit pa ang dinadaing at dinadala ang mga pasyente, pati na rin ang pagiging ganap na lokasyon nito sa malawakang pagbabakuna upang masugpo ang virus na ito. Marahil, ilan ito sa mga dahilan kaya’t nahirapan mag-paunlak ang karamihan ng ospital sa ating bansa.

 

    Ang maging isa sa tinaguriang mga “frontliner” ay hindi madali lalong lalo na sa ganitong panahon at sitwasyon. Pati ang mental na kalagayan at kaisipan ng ating mga doktor, nars, at iba pa nilang kasamahan ay damay na din. Mula sa magdamagang pagtatrabaho at pag-intindi sa mga may sakit, hanggang sa pagkakalayo ng mga ito mula sa kanilang pamilya, dahil sa pangamba at pag-iingat na rin, upang hindi na makakuha ng Covid ang kanilang mga minamahal.

 

    Gayunpaman, kaagapay ng mga ospital ang mga ginawang lokasyon para maging isolation facilities, kung saan doon na idinidirekta ang mga taong may mga sintomas ng Covid-19, at nang sa ganon ay makapag-quarantine na rin sa loob ng dalawang linggo. Higit sa lahat, pinakamabisa at pinakanakatutulong pa din ang pag-implementa at pagsunod sa mga health protocols upang sa simula pa lamang ay makaiwas na sa pagkakaroon ng sakit at mabawasan na rin sa pagpunta at ang maaring pag-taas muli ng bilang ng pasyente sa mga ospital natin. Sa ganoong paraan, ay mas luluwag ang pagkilos nila at mas mabibigyang pokus ang pandemyang ito.

 

    Sa huli, tulad ng aking mga nabanggit, sandamakmak na problema na ang kinaharap ng mga institusyon at ng mga tao dito sa atin dahil sa kagustuhang matapos na ang krisis na ito. Hindi madali ang kinalalagyan ng ating mga ospital, kaya’t bilang mga mamamayang may malasakit at may kamalayan, maari nating pagaanin ang sitwasyon at matulungan ang mga tao’t institusyon na ito upang sa huli ay sabay sabay nating makita ang liwanag sa dulo ng lagusang ito. 


Reference:

Department of Health. (2020, January 30). Doh confirms first 2019-NCOV case in the country; assures public of intensified containment measures. Department of Health. Retrieved December 14, 2021, from https://doh.gov.ph/doh-press-release/doh-confirms-first-2019-nCoV-case-in-the-country

McCarthy, J. (2021, October 2). Hospitals in the Philippines struggle under influx of COVID-19 patients. NPR. Retrieved December 12, 2021, from https://www.npr.org/2021/10/02/1042667352/hospitals-in-the-philippines-struggle-under-influx-of-covid-19-patients.

No comments:

Post a Comment